Ipinahayag ngayong araw, Biyernes, ika-30 ng Hunyo 2017, sa Beijing, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nagharap na ang panig Tsino ng pormal na representasyon sa panig Amerikano, kaugnay ng desisyong ipinalabas ng Kagawaran ng Estado ng Amerika hinggil sa pagbebenta ng 1.4 bilyong Dolyares na kasangkapang militar sa Taiwan.
Sinabi ni Lu, na buong tatag na tinututulan ng Tsina ang pagbebenta ng Amerika ng mga sandata sa Taiwan. Dagdag niya, hinihimok ng Tsina ang Amerika, na tupdin ang mga pangako nito sa 3 magkasanib na komunike ng dalawang bansa, bawiin ang plano ng pagbebenta ng mga sandata sa Taiwan, at ihinto ang pag-uugnayang militar ng dalawang panig. Ito aniya ay para iwasan ang ibayo pang pinsala sa relasyong Sino-Amerikano, at kanilang kooperasyon sa mga mahalagang larangan.
Salin: Liu Kai