Sa pagdating ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Martes ng gabi, ika-4 ng Hulyo 2017, local time, sa Berlin, Alemanya, kinatagpo siya ni Chancellor Angela Merkel ng Alemanya.
Positibo si Xi sa bagong natamong progreso sa relasyong Sino-Aleman, at umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, patuloy na susulong ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa. Ipinahayag ni Xi ang pagtanggap sa aktibong paglahok ng mga bahay-kalakal na Aleman sa konstruksyon ng "Belt and Road." Umaasa rin siyang magkasamang magsisikap ang Tsina at Alemanya, para pasulungin ang globalisasyong pangkabuhayan.
Binigyang-diin din ni Xi, na ang Tsina at Europa ay kapwa mahalagang puwersa sa daigdig. Kinakatigan aniya ng Tsina ang pagkakaisa, katatagan, kasaganaan, at pagbubukas ng Unyong Europeo. Umaasa rin aniya siyang patitingkarin ng Alemanya ang mahalagang papel, para panatilihin ang pag-unlad sa mataas na lebel ng relasyong Sino-Europeo.
Ipinahayag naman ni Merkel ang mainit na pagtanggap sa pagdalaw ni Xi. Sinabi niyang mainam ngayon ang pag-unlad ng relasyong Aleman-Sino, at mabunga ang kanilang kooperasyon. Nakahanda aniya ang Alemanya, kasama ng Tsina, na pasulungin ang relasyong Europeo-Sino, at katigan ang multilateralismo.
Salin: Liu Kai