|
||||||||
|
||
Nag-usap kahapon, Miyerkules, ika-5 ng Hulyo 2017, sa Berlin, Alemanya, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya. Sumang-ayon silang ibayo pang pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Xi, na matagumpay ang pag-unlad ng relasyong Sino-Aleman, nitong 45 taong nakalipas, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Alemanya, na patatagin ang pagtitiwalaan, dagdagan ang komong palagay, galugarin ang nakatagong lakas, at palawakin ang kooperasyon.
Ipinalalagay ni Xi, na bilang ika-2 at ika-4 na pinakamalaking ekonomiya ng daigdig, at mahalagang bansa sa Asya at Europa, ang pagpapalakas ng komprehensibo at estratehikong kooperasyon ng Tsina at Alemanya ay makakatulong sa pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo, at magbibigay ng positibong elemento sa daigdig. Ipinahayag din ni Xi ang pagkatig sa G20 Summit na idaraos sa Hamburg, Alemanya.
Sinabi naman ni Merkel, na mainam ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyong Aleman-Sino, at malaki ang nakatagong lakas ng kooperasyon ng dalawang bansa. Ipinahayag niya ang paggigiit ng pamahalaang Aleman sa patakarang "Isang Tsina," at pagkatig sa "Belt and Road" Initiative.
Kailangan aniyang magkasamang pasulungin ng Alemanya at Tsina ang paglaki ng kabuhayang pandaigdig, at palakasin ang koordinasyon para sa pag-unlad at pagtutulungan ng daigdig. Nakahanda ang Alemanya na patuloy na magsikap para palalimin ang relasyon at kooperasyon ng Europa at Tsina, dagdag ni Merkel.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |