Ipinahayag ngayong araw, Lunes, ika-10 ng Hulyo 2017, sa Beijing, ni Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, na palalakihin ng kanyang bansa ang pag-aangkat mula sa mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sinabi ni Qian, na patuloy na palalalimin ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN ang kooperasyon sa larangan ng adwana at inspeksyon ng kalidad, para pasimplehin ang mga customs clearance procedure, at sa gayon, makakapagbigay-ginhawa sa mga bansang ASEAN sa pagluluwas ng mga produktong agrikultural, tropikal na prutas, produktong akuwatiko, likas na goma, palm oil, at iba pa sa Tsina.
Sinabi rin ni Qian, na patuloy na makikipagtulungan ang Tsina sa mga bansang ASEAN sa pagtatayo ng sona ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at transnasyonal na sona ng kooperasyong pangkabuhayan. Ito aniya ay para dagdagan ang pamumuhunan sa mga sektor ng power grid, daambakal, haywey, sasakyang de-motor, kemikal, metalurhiya, at materyal na pangkonstruksyon sa mga bansang ASEAN.
Dagdag pa ni Qian, sa ilalim ng Belt and Road Initiative, pasusulungin ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pagbuo ng pragmatiko at epektibong mekanismo ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, para palawakin ang kooperasyon ng kani-kanilang mga maliit at katamtamang-laking bahay-kalakal.
Salin: Liu Kai