Binuksan Martes, Hulyo 11, 2017, ang Boao Forum for Asia (BFA) Bangkok Conference, sa Bangkok, Thailand. Tatalakayin sa pulong ang hinggil sa pagpapalalim ng kooperasyong panrehiyon, bagong paraan sa pagpapasulong ng pag-unlad ng kabuhayan, at intergrasyong pangkabuhayan ng Asya. Mahigit 400 kinatawan mula sa 13 bansang Asyano na gaya ng Tsina, Thailand, Singapore, Malaysia, Indonesya, Kambodya, Myanmar ang kalahok.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Zeng Peiyan, Pangalawang Tagapangulo ng BFA, na nitong isang taong nakalipas, ang "deglobalization" at "anti-free trade" ay naging bagong "mainit na paksa," pero, aniya ang pangunahing tunguhin ng globalisasyon ng kabuhayan ay hindi mapipigil o mababago.
Sa kanyang talumapti, ipinalalagay ni Surakiart Sathirathai, dating Pangalawang Punong Ministro ng Thailand at Tagapangulo ng Asian Peace and Reconciliation Council (APRC) na may kaugnayan ang estratehiyang "Kabuhayang Thai 4.0 " ng Thailand at Belt and Road Initiative.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong idinaos ang pulong ng BFA sa Thailand. Ang pulong ay binubuo ng tatlong porum na gaya ng "Hinaharap ng Kooperasyong Panrehiyon ng Asya," "Kooperasyon sa Konstruksyon ng Imprastruktura at Production Capacity," at "10+1: Kooperasyon sa Kalakalan, Pinansyo, at Pamumuhunan." Idaraos din ang pagpapalitan ng mga bahay-kalakal ng Tsina at Thailand.
salin:Lele