Idinaos ngayong araw, Martes, Hulyo 11, 2017, sa Bangkok, Thailand, ang isang pulong ng Bo'ao Forum for Asia (BFA) na may temang "Kooperasyong Panrehiyon sa Asya: Bagong Hamon, Bagong Ideya." Kalahok sa pulong ang mahigit 400 kinatawan mula sa 13 bansa at rehiyon, na gaya ng Tsina, Thailand, Singapore, Indonesya, Kambodya, at iba pa. Tinalakay nila ang hinggil sa integrasyong pangkabuhayan ng Asya, at kooperasyong panrehiyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Zeng Peiyan, Pangalawang Tagapangulo ng BFA, ang Belt and Road Initiative ay puwedeng maging bagong ideya at lakas sa globalisasyong pangkabuhayan sa daigdig, at integrasyong pangkabuhayan sa rehiyon. Umaasa aniya ang Tsina, na makakabuti ang nasabing inisyatiba sa pag-uugnayan ng mga planong pangkaunlaran ng mga bansa, pagbuo ng nagkakaisang malaking pamilihan sa rehiyon, pagpapalakas ng konektibidad ng mga imprastruktura, at pagpapasulong ng kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, pinansyo, at iba pa.
Sinabi naman ni Don Pramudwinai, Ministrong Panlabas ng Thailand, na dapat pasulungin ng Asya ang pagtungo ng globalisasyon sa landas ng pagiging inklusibo, pantay-pantay, balanse, mabuti sa kapaligiran, at sustenable. Optimistiko rin aniya siya sa palalawaking kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Salin: Liu Kai