Sa pulong ng mababang kapulungan Lunes, Hulyo 10, 2017, ipinahayag ni Set Aung, Pangalawang Presidente ng Central Bank of Myanmar (CBM), na ayon sa kalagayan ng pag-unlad ng industriya ng pagbabangko ng bansa at mungkahi ng International Monetary Fund (IMF), sa darating na panahon, hindi pa rin paluluwagin ng Myanmar ang limitasyon sa mga bangkong pinatatakbo ng puhunang dayuhan, pero unti-unti nitong paluluwagin ang saklaw ng negosyo ng nasabing mga bangko.
Aniya, dalawang beses nang pinaluwag ng CBM ang limitasyon sa mga bangkong pinatatakbo ng puhunang dayuhan. Ang una'y pagpapahintulot sa nasabing mga bangko na magtayo ng kanilang sangay sa espesyal na sonang pangkabuhayan, at ang ika-2 ay pagpapahintulot sa nasabing mga bangko na makipagkooperasyon sa mga bangko sa loob ng bansa upang magkaloob ng serbisyo sa mga bahay-kalakal ng Myanmar. Dagdag pa niya, sa susunod na hakbang, pahihintulutan ang naturang mga bangko na direktang magkaloob ng serbisyo sa mga bahay-kalakal ng Myanmar. Sa hinaharap, isasaalang-alang ang pagpapahintulot sa mga bangkong ito na magpatakbo ng retail banking, aniya pa.
Salin: Vera