Ipinahayag Huwebes, Hulyo 13, 2017 sa Kuala Lumpur ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Transportasyon ng Malaysia, na buong sikap na tutulungan ng pamalahalaan ng bansang ito ang mga kamag-anak ng mga biktima ng Flight MH17 ng Malaysia Airlines para humingi ng katarungan.
Nang araw ring iyon, dumalo si Liow sa aktibidad bilang paggunita sa insidente ng pagbagsak ng MH17, at nakipagtagpo rin siya sa mga kamag-anak ng mga biktima ng insidenteng ito.
Sinabi niyang inipon na ng MH17 Joint Investigation Team (JIT) ang napakaraming impormasyon at testimonya ng mahigit 200 katao. Dagdag pa niya, kahit hindi pa tapos ang pandaigdig na magkasanib na imbestigasyon sa insidenteng ito, naniniwala siyang siguradong mahahanap ang mga may-kagagawan at ihaharap sila sa batas.
Nauna rito, ipinahayag ni Liow na sumang-ayon ang Malaysia, Netherlands, Belgium, Ukraine at Australia na isasakdal sa Netherlands ang mga may-kagagawan ng insidenteng ito.
Noong ika-17 ng Hulyo, 2014, bumagsak sa Ukraine ang Flight MH17 dahil sa missile. Apatnapu't tatlo (43) sa lahat ng mga biktima ay Malaysian.