|
||||||||
|
||
Ayon sa investigation report na isinapubliko nitong Miyerkules, Setyembre 28, 2016, ng magkakasanib na grupong tagapag-imbestiga sa pagbagsak ng Flight MH17 ng Malaysia Airlines, sinabi nito na ang Buk missile na tumama sa nasabing eroplano ay inilunsad mula isang nayon sa gawing silangan ng Ukraine na kontrolado ng sandatahang puwersang kontra-pamahalaan na nakahilig sa Rusya.
Tinukoy din ng grupong tagapag-imbestiga na ang launching system ng nasabing missile ay inilipat sa pinaglunsaran mula loob ng Rusya. Pagkaraang pabagsakin ang MH17, inilipat pa ang launching system sa Rusya.
Idinagdag pa nito na patuloy pa ang imbestigasyon sa mga may kagagawan ng plane crash.
Noong ika-17 ng Hulyo, 2014, habang lumilipad ang Flight MH17 mula Amsterdam ng Netherlands patungong Kuala Lumpur ng Malaysia, bumagsak ito sa dakong silangan ng Ukraine. Lahat ng 298 pasahero ay nasawi, at mahigit kalahati ng biktima ay mga Netherlander.
Kaugnay nito, sinabi nang araw ring iyon ni Maria Zakharova, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya, na mula simula, iminungkahi ng kanyang bansa na makipagtulungan sa imbestigasyon sa batayan ng katotohanan. Ngunit tinanggihan aniya ng magkakasanib na grupong tagapag-imbestiga ang pakikilahok ng Rusya sa imbestigasyon bilang opisyal na miyembro ng grupong ito. Ipinalalagay ng Rusya na may bias ang grupong ito, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |