Inilabas ngayong araw, Miyerkules, ika-2 ng Agosto 2017, ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang dokumento hinggil sa mga katotohanan ng pagpasok ng border troops ng Indya sa teritoryo ng Tsina sa Sikkim Sector ng hanggahan ng dalawang bansa. Ipinaliwanag din ng dokumento ang paninindigan ng Tsina sa isyung ito.
Ayon sa dokumento, noong ika-18 ng nagdaang Hunyo, tumawid ang tropang Indyano ng Sikkim Sector ng hanggahan ng Tsina at Indya, at pumasok sa teritoryong Tsino. Hanggang sa kasalukuyan, ilegal na nananatili roon ang tropang Indyano.
Anang dokumento, pagkaraang maganap ang naturang pangyayari, maraming beses nang iniharap ng Tsina sa Indya ang representasyon, buong higpit na kinondena ng Tsina ang aksyon ng Indya, at hiniling sa Indya na iurong ang tropa nito. Pero, walang anumang positibong reaksyon ang panig Indyano, at inimbento nito ang mga walang-batayang pangangatwiran para sa naturang aksyon, ayon pa sa dokumento.
Nang araw ring iyon, ipinahayag din ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang Sikkim Sector ng hanggahan ng Tsina at Indya ay itinakda batay sa Convention Between Great Britain and China Relating to Sikkim and Tibet, na nilagdaan noong 1890 ng Tsina at Britanya, at ito rin ay kinikilala ng kapwa pamahalaan ng Tsina at Indya. Ani Geng, ang naturang aksyon ng panig Indyano ay hindi lamang grabeng paglapastangan sa teritoryo at soberanya ng Tsina, kundi malaking hamon din sa rehiyonal na kapayapaan at katatagan, at normal na kaayusang pandaigdig.
Salin: Liu Kai