Ipinahayag kahapon, Lunes, ika-14 ng Agosto 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa katatapos na serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas sa East Asia Cooperation, ipinakita ng mga kalahok na panig ang pulitikal na mithiin hinggil sa pagbibigay-pokus sa kooperasyon, paghangad ng komong pag-unlad, at magkakasamang pagharap sa mga hamon.
Kaugnay ng ginampanang papel ng Tsina sa naturang mga pulong, sinabi ni Hua, na sa pulong ng mga ministrong panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina, iniharap ng panig Tsino ang pitong mungkahing kinabibilangan ng pagtatakda ng China-ASEAN Strategic Partnership Vision 2030, at positibo ang reaksyon dito ng mga bansang ASEAN. Dagdag pa niya, iniharap din ng Tsina ang mahigit sampung mungkahi hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon ng East Asia, at mainit na tinanggap ng iba't ibang panig ang mga ito.
Kaugnay naman ng natamong bunga sa pulong hinggil sa isyu ng South China Sea, sinabi ni Hua, na positibo ang iba't ibang panig sa kasalukuyang mainam na tunguhin ng kalagayan sa karagatang ito. Aniya pa, batay sa pinagtibay na Framework of the Code of Conduct in the South China Sea (COC), itinakda ng Tsina at mga bansang ASEAN ang plano ng pagsisimula ng pagsasanggunian hinggil sa mga substansyal na nilalaman ng COC sa loob ng taong ito.
Salin: Liu Kai