|
||||||||
|
||
Ipinahayag Huwebes, Agosto 3, 2017 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na itinuturing ng kanyang bansa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang priyoridad ng pambansang patakarang pangkapitbansa. Itinuturing aniya rin ng Tsina ang ASEAN bilang pangunahing lugar para sa magkakasamang pagpapatupad ng Belt and Road Initiative para sa komong kasaganaan.
Ito ay ipinahayag ni Geng bilang tugon sa tanong na may kinalaman sa gagawing paglahok ni Ministrong Panlabas Wang Yi sa serye ng pulong ng ASEAN sa Maynila.
Idinagdag pa ni Geng na nitong mahigit 26 na taong nakalipas sapul nang itatag ang dialogue partnership ng Tsina at ASEAN, walang humpay na umuunlad ang bilateral na relasyon.
Ipinagdiinan din niyang sa ilalim ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, nilagdaan kamakailan ng Tsina at mga bansang ASEAN ang Draft Framework of Code of Conduct (COC) in the South China Sea. Nagpapakita aniya ito ng hangarin ng Tsina at mga bansang ASEAN para magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan ng South China Sea. Nakalikha rin ito ng magandang kapaligiran para sa pagtutulungang Sino-ASEAN, dagdag niya.
Ani Geng, nakahanda ang Tsina na pahigpitin ang ugnayan at integrasyon ng magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative at mga planong pangkaunlaran ng ASEAN para mapalalim ang pragmatikong pagtutulungan at magkasamang itatag ang komunidad ng ibinabahaging kinabukasan ng Tsina at ASEAN.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |