Hinggil sa regular na diyalogo ng mga pangalawang punong ministro, at diyalogo sa kooperasyong pangkabuhayan ng Tsina at Indonesya na sabay na idinaos kamakailan sa Tsina, ipinahayag kahapon, Agosto 23, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na malaking napasulong ng mga ito ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ayon kay Hua, sa ika-6 na diyalogo ng mga pangalawang punong ministro, sumang-ayon ang Tsina at Indonesya na patuloy na panatilihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at palakasin ang kooperasyon sa aspekto ng isyung pandepensa, pagpapatupad ng batas, paglaban sa terorismo at droga, internet, dagat, teknolohiyang pangkalawakan at iba pa. Bukod dito, magkasama ring magsisikap ang dalawang panig para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea, mapasulong ang realsyong Sino-ASEAN at kooperasyon ng Silangang Asya.
Sa ika-3 diyalogo ng kooperasyong pangkabuhayan, buong pagkakaisang ipinalalagay ng dalawang panig na dapat ibayo pang palawakin ang pamumuhunan sa isa't isa, palakasin ang komprehensibong kooperasyon sa imprastruktura, agrikultura, pinansiya, enerhiya at iba pang larangan at hanapin ang pagkakataon ng kooperasyon sa e-commerce at iba pang bagong industriya.