Isinalaysay ngayong araw, Miyerkules, ika-30 ng Agosto 2017, sa Beijing, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na pangunguluhan ni Pangulong Xi Jinping ang Ika-9 na Summit ng mga Bansang BRICS (Brazil, Russia, India, China, at South Africa), na idaraos sa ika-4 ng darating na Setyembre sa Xiamen, lunsod sa timog silangan ng Tsina.
Bukod dito, pangunguluhan ni Xi ang seremonya ng pagbubukas ng BRICS Business Forum, na idaraos sa ika-3 ng Setyembre, at Dialogue of Emerging Markets and Developing Countries, na idaraos naman sa ika-5 ng Setyembre: ito ay lalahukan ng mga bansang BRICS, Ehipto, Guinea, Mexico, Kazakhstan, at Thailand.
Sinabi rin ni Wang, na sa pamamagitan ng 10 taong pag-unlad, ang mga bansang BRICS ay naging mahalagang puwersa ng pagpapaunlad ng kabuhayang pandaigdig, pagpapasulong ng reporma sa kaayusang pandaigdig, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng daigdig. Umaasa aniya ang panig Tsino, na ang taong ito ay magiging simula ng isa pang mabungang 10-taon ng mekanismo ng BRICS.
Salin: Liu Kai