|
||||||||
|
||
Inilahad Miyerkules, Setyembre 6, 2017 ni Yang Jiechi, Kasangguni ng Konseho ng Estado o Gabinete ng Tsina ang mga natamong bunga ng katatapos na Ika-9 na Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) Summit at Dialogue of Emerging Market and Developing Countries.
Ang nasabing summit at diyalogo ay ginanap Setyembre 3-5, sa Xiamen, Fujian province, sa dakong silangan ng Tsina.
Pagtutulungan sa kabuhayan, kalakalan, pinansya, inobasyon at people-to-people exchange
Ani Yang, mabunga ang nasabing summit at diyalogo sa larangan ng kabuhayan, kalakalan, pinansya, inobasyon at people-to-people exchange.
Sinabi ng kasangguning Tsino na ang pagtutulungang pangkabuhayan ay nagsisilbing pundasyon ng kooperasyon sa pagitan ng mga miyembro ng BRICS. Sa Xiamen Summit, sa pagpapatupad sa kanilang Estratehiya ng Partnership na Pangkabuahayan, narating ng limang bansang BRICS ang mahigit 30 pragmatikong proyekto. Nilagdaan din nila ang mga kasunduang pangkalakalan na gaya ng pagpapaginhawa ng pamumuhunan, roadmap para sa pagtutulungan sa kalakalan sa serbisyo at iba pa.
Sa larangang pinansyal, Agosto 17, 2017, nagbukas ang BRICS New Development Bank ng sangay nito sa South Africa. Narating din ng mga kasaping bansa ng BRICS ang kasunduan hinggil sa Contingency Reserve Arrangement (CRA), pagtutulungan sa pagitan ng kapital na pampamahalaan at di-pampamahalaan at local currency bond markets.
Kaugnay ng inobasyon, itinakda ng limang bansang BRICS ang Plano ng Aksyon hinggil sa Pagtutulungang Pang-inobasyon, Proposal hinggil sa Pagtutulungan sa E-commerce at iba pa para suportahan ang mga bagong sektor.
Upang mapasulong ang people-to-people exchange, idinaos ang Pestibal ng Pelikula, Pestibal na Pangkultura, Porum na Pang-media, Pulong sa Tradisyonal na Medisina at iba pa.
BRICS Plus
Upang mapalawak ang pagtutulungan ng mga bansang BRICS, iniharap ng panig Tsino ang proposal na BRICS Plus. Bunga nito, idinaos ang Dialogue of Emerging Market and Developing Countries, kung saan nag-usap ang mga lider ng BRICS, kasama ng mga lider mula sa Ehipto, Guinea, Mexico, Tajikistan at Thailand hinggil sa iba't ibang paksa. Inilabas din nila ang Magkasanib na Pahayag ng Tagapangulo na nasasaad ang determinasyon sa pagpapatuloy ng sustenableng pag-unlad, magkakasamang pagtugon sa pagbabago ng klima, pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig, at pagpapalalim ng South-South Cooperation.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |