Ipinalabas ng pamahalaan ng Thailand ang ulat hinggil sa pinakahuling progreso ng imbestigasyon tungkol sa kinaroronoonan ni dating Punong Ministro Yingluck Shinawatra. Anang ulat, batay sa CCTV footage, sakay ng kotse, dumaan ang dating punong ministro sa isang military check point sa lalawigang Sa Kaeo, sa dakong silangan ng bansa.
Ipinahayag Biyernes, Setyembre 8, 2017, ni Prawit Wongsuwan, Pangalawang Punong Ministro at Ministro ng Tanggulang-bansa ng Thailand na iyon lang ang impormasyon na natamo ng pamahalaan, batay sa CCTV footage. Idinagdag pa niyang sa nasabing check point, ilang ruta ang maaaring daanan para lumabas ng bansa at iniimbestigahan ngayon ng pamahalaan ang posibleng ruta na dinaanan ni Yingluck.
Nakatakda sanang humarap si Yingluck sa Korte Suprema kaugnay ng kaso ng subsidiya ng bigas noong Agosto 25, 2017. Pero, hindi nakadalo si Yingluck dahil masama raw ang pakiramdam niya. Ipinalabas ng nasabing korte ang arrest warrant kay Yingluck nang araw ring iyon at ipinagpaliban ang pagdinig hanggang Setyembre 27, 2017.
Salin: Jade