Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina — Idinaos Martes, Setyembre 12, 2017, ang China-Philippines Production Capacity and Investment Cooperation Forum. Bilang bahagi ng Ika-14 China-ASEAN Expo (CAExpo), magkakasamang itinaguyod ng Pambansang Komisyon ng Pag-unlad at Reporma ng Tsina, Ministri ng Komersyo ng Tsina, pamahalaan ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, at National Economic and Development Authority (NEDA) ng Pilipinas ang nasabing porum na may temang "Magkakasamang Pagpapasulong ng Kooperasyon sa Kakayahan ng Produksyon, Magkakasamang Pagtatamasa ng Bunga ng Pag-unlad." Dumalo rito ang mahigit 300 personahe mula sa pamahalaan, asosyasyon, instituto ng pananaliksik, organong pinansiyal, bahay-kalakal, at media ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Liu Jun, Pangalawang Tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, na nitong ilang taong nakalipas, natamo ng Guangxi at Pilipinas ang mga positibong progreso sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, kultura, edukasyon, at turismo. Nakahanda aniya ang Guangxi na patuloy na pasulungin, kasama ng Pilipinas, ang kanilang konektibidad sa transportasyong pandagat, impormasyon, at iba pang larangan. Aniya, patuloy na isasagawa ng Guangxi ang mga hakbangin upang magkaloob ng mainam na pagkatig sa mga production capacity cooperation project ng dalawang panig.
Isinalaysay naman ni Jonathan L. Uy, Asistanteng Kalihim ng NEDA, ang kalagayan at pagpaplano ng kabuhayang Pilipino nitong ilang taong nakalipas. Sinabi niya na ang magkakasamang pagtatayo ng "Belt and Road" ay nagkakaloob ng mahalagang pagkakataon para sa kooperasyong Pilipino-Sino sa kakayahan ng produksyon. Winiwelkam ng panig Pilipino ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Pilipinas. Umaasa siyang sasamantalahin ng dalawang panig ang pagkakataon ng mabilis na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa upang walang humpay na mapasulong ang nasabing kooperasyon.
Salin: Li Feng