Sa kanyang national TV Speech na inilabas Huwebes ng gabi, ika-12 ng Oktubre, 2017, ipinatalastas ni Aung San Suu Kyi, State Counsellor ng Myanmar na itatatag ng kanyang bansa ang bagong mekanismo ng pag-unlad ng Rakhine State, para mapasulong ang pagbalik ng mga residente ng Rakhine State, paglutas sa isyu ng muling pagbibigay-matutuluyan, at kaunlaran at kapayapaan ng rehiyon.
Aniya, upang mapasulong ang pag-unlad ng Rakhine State at mga proyekto sa iba't ibang larangan, itatatag ang "proyekto ng makataong saklolo, muling pagbibigay-matutuluyan, at pag-unlad ng Rakhine State," at manunungkulan siya mismo bilang tagapangulo ng organo ng nasabing proyekto. Sisimulan ang nasabing proyekto sa susunod na linggo. Naglalayon itong maisakatuparan ang kooperasyon ng pamahalaan, mga lokalidad, mga organisasyong pandaigdig at iba't ibang sangay ng lipunan.
Ayon kay Aung San Suu Kyi, may tatlong pangunahing tungkulin ang isyu ng Rakhine State: una, pababalikin ang mga residente ng Rakhine na lumikas sa Bangladesh, at ipagkakaloob sa kanila ang mabisang makataong saklolo; ika-2, muling bibigyan ng tirahan ang mga babalik na residente; at ika-3, isasagawa ang kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyong ito.
Salin: Vera