Idinaos kahapon, Lunes, ika-30 ng Oktubre 2017, sa Phnom Penh, Kambodya, ang simposyum hinggil sa pagpapasulong ng kooperasyon sa pagitan ng Kambodya at mga iba pang bansang kalahok sa "Belt and Road" Initiative. Lumahok dito ang mga opisyal ng Tsina at Kambodya, mga eksperto, at mga kinatawan mula sa mga bahay-kalakal.
Ipinahayag ni Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Kambodya, na ang Kambodya ay isang aktibong kalahok sa "Belt and Road" Initiative, at nilagdaan nito at Tsina ang plataporma hinggil sa plano ng magkasamang pagpapasulong ng kooperasyon sa ilalim ng "Belt and Road." Aniya, sa pamamagitan ng inisyatibang ito, magkakaroon ang Kambodya ng maraming oportunidad para sa mga kooperasyon sa imprastruktura, interconnectivity, kalakalan, pamumuhunan, at iba pa.
Sinabi naman ni Suos Yara, miyembro ng Pambansang Asembleya ng Kambodya, na dahil sa "Belt and Road" Initiative, mabilis na umuunlad ang kalakalan ng Kambodya at Tsina. Aniya, nitong ilang taong nakalipas, 26% ang taunang paglaki ng halaga ng kalakalan ng dalawang bansa, at noong isang taon, umabot ang halagang ito sa 4.8 bilyong Dolyares.
Salin: Liu Kai