Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ambassador Sta. Romana: Kahirapan, pandaigdigang suliranin na nangangailangan ng magkakasamang pagsisikap

(GMT+08:00) 2017-11-01 15:21:02       CRI

Isang makabuluhang aktibidad ang Love Knows No Borders dahil ito ay may kaugnayan sa paglaban sa kahirapan, at ikinagagalak ng Pilipinas na sumali at makaambag sa pamamagitan ng pagkakaroon ng booth at pag-aabuloy ng nalikom na halaga para sa nasabing adhikain. Ito ang naging pahayag ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana, Sugo ng Pilipinas sa Tsina, sa opening ceremony ng international charity bazaar na ginananap Oktubre 29, 2017 sa Beijing Workers' Stadium. Ang aktibidad ay itinaguyod ng Ministry of Foreign Affairs at China Foundation for Poverty Alleviation.

Si Ambassador Jose Santiago Sta. Romana (ikalawa sa kanan), kasama ang mga diplomata at kawani ng Philippine Embassy na sumali sa Love Knows No Borders.

Ang tema ngayong taon ay International Charity Sale for Healthy Villages in Yunnan. Nakiisa ang 77 booths mula sa diplomatic missions sa bansa at mga tanggapan ng pandaigdigang organisasyon sa Tsina.

Kahirapan, problemang walang hanggahan o "borders"

Ani Amb. Sta. Romana, ang kahirapan ay problemang wala ring borders o hanggahan. Ang paglaban dito ay pandaigdigang pagsisikap. Sa Pilipinas ito ay isang mahalagang isyu at nangangailangan ng magkakatuwang na pagpupunyagi. Mayroon aniyang matututunan ang Pilipinas sa aktibidad na ito. Ang Pilipinas ay handang sumuporta sa adhikain ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina.

Ang mga nayon ng Malipo at Jinping ng lalawigang Yunnan ang beneficiary sa taon ito. Ang halagang malilikom ay gagamitin sa pagtatayo ng clinic na tutugon sa pangangailangang medikal ng mga mamamayan doon.

Si Amb. Jose Santiago Sta. Romana habang kinapanayam ni Machelle Ramos ng Serbisyo Filipino ng CRI.

Sa kanyang pagtatrabaho bilang mamamahayag sa loob ng maraming dekada, narating ni Amb. Sta Romana ang kanlurang bahagi ng Tsina kabilang ang Yunnan. Nasaksihan niya ang pagkakaiba ng mga pamumuhay sa bulubundukin at kapatagan. Sinabi niyang isa ito sa mga aspekto na nais resolbahin ni Pangkalahatang Kalihim Xi Jinping at ng mga bagong miyembro ng pulitburo ng CPC.

Paliwanag pa ng Sugong Pilipino na ang pagtugon sa kahirapan ang isa sa pangunahing nilalaman ng ideya ni Pangkalahatang Kalihim Xi Jinping sa sosyalismong may katangiang Tsino, kung saan ngayong makabagong panahon, hangad ng pamahalaang Tsino na magkaroon ng pagkakapantay-pantay, magandang kalidad ng pamumuhay ang mga tao at tuluyang pawiin ang kahirapan.

Pagpawi ng Kahirapan, magiging pangunahing tampok ng kooperasyong Pilipino-Sino

Ibinahagi rin ni Amb. Sta. Romana ang naging pagdalaw sa Tsina nitong Oktubre ni Lisa Masa, Puno ng National Anti- Poverty Commission ng Pilipinas upang makipagtalakayan sa panig Tsino. Naibalangkas ang ilang proyektong pangkooperasyon sa pagitan ng dalawang panig at inaasahang ang paglaban sa kahirapan ang isa sa mga magiging pangunahing aspekto ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Ano ang aral na matutunan ng Pilipinas sa Tsina para malutas ang problema ng kahirapan? Sagot ni Ambassador Sta. Romana na dalawang bagay ang kailangan. Una, kailangan ang economic growth o kaunlarang pangekonomiko upang lumaki ang biyayang paghahati-hatian ng mga mamamayan. Ikalawa ay siguruhing ipamahagi ang bunga ng kaunlaran nang pantay-pantay.

Dagdag niya, normal na magkaroon ng gap o puwang sa mga mamamayan habang isinusulong ang mabilis na pang-ekonomiyang pag-unlad at napag-iiwanan ang pamamahagi ng kayaman. Ito ay nagiging isang mahalagang usapin dahil kapag lumaki ang puwang, humahantong ito sa mga suliraning panlipunan.

Matapos ang mabilis na pag-unlad ng Tsina, sa pananaw ng dating batikang mediaman, nagdulot naman ito ng di-pagkakapantay sa lipunan. Kaya ngayon ang pokus ng pamahalaang Tsino ay pagtuunan ng pansin ang pagpapaliit ng agwat ng lipunan, siguruhing tataas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap na Tsino at lubusang pawiin ang kahirapan sa loob ng darating na limang taon.

Mga paninda sa booth ng Pilipinas

Tampok sa booth ng Pilipinas ang mga pangunahing exports ng bansa sa Tsina na kinabibilangan ng mga prutas gaya ng pinya, saging at mangga. May capiz handicrafts din at piling souvenir items na nagpapakita ng kariktan ng Pilipinas.

Ulat: Mac Ramos

Litrato: Vera

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>