Sa kanilang pag-uusap kahapon, Huwebes, ika-2 ng Nobyembre 2017 sa Hanoi, Biyetnam, nagpalitan ng palagay sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at kanyang counterpart na Biyetnames na si Pham Binh Minh, hinggil sa gagawing dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping sa Biyetnam, at pagdalo sa Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa bansang ito.
Ipinahayag ni Wang, na ang pagsasagawa ni Xi ng dalaw-pang-estado sa Biyetnam at pagdalo sa summit ng APEC, ay pinakamahalagang pangyayari sa relasyong Sino-Biyetnames sa taong ito. Umaasa aniya siyang, sa pamamagitan ng pagdalaw, maitatakda ang pangkalahatang plano hinggil sa pagpapasulong ng komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag din ni Wang ang pagkatig ng panig Tsino sa pagtataguyod ng Biyetnam ng matagumpay na APEC Summit, para pasulungin ang pagtatatag ng Asia-Pacific Free Trade Area, at ipalabas ang positibong signal hinggil sa pangangalaga sa bukas na kabuhayang pandaigdig at multilateral na sistemang pangkalakalan.
Sinabi naman ni Pham, na lubos na pinahahalagahan ng Biyetnam ang biyahe ng Pangulong Tsino. Umaasa rin aniya siyang makakapagbigay ang APEC Summit ng bagong ambag para sa rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan.
Salin: Liu Kai