Idinaos Martes, Nobyembre 7, 2017 sa Beijing ang unang working meeting ng mga Coast Guard ng Tsina at Pilipinas upang isakatuparan ang mga narating na kasunduan ng dalawang bansa noong Oktubre ng taong 2016.
Ikinagagalak ng dalawang panig ang kasalukuyang mga kooperasyon. Mariin nilang ipinahayag na dapat palakasin ang mga kooperasyon sa hinaharap na gaya ng pagbibigay-dagok sa transnasyonal na krimen sa dagat, paglaban sa droga, at makataong tulong pandagat.
Bukod dito, sinang-ayunan ng dalawang panig na ibayo pang pahigpitin ang pagpapalitan ng mga tauhan at isagawa ang magkasanib na pagsasanay at pagdadalawan ng mga bapor sa unang hati ng taong 2018.
Ipinalalagay ng dalawang panig na ang pagpapatupad ng batas sa dagat ay mahalagang bahagi ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa. Ipinalalagay din nilang ang mainam na relasyon ng mga coast guard ng dalawang bansa ay nakakabuti sa kaayusan at seguridad sa South China Sea, at angkop din ito sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Tiniyak ng dalawang panig ang pagdaraos ng ika-2 working meeting sa unang hati ng taong 2018 sa lalawigang Guangdong ng Tsina.
Salin: Ernest