Sa paanyaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas, kasalukuyang bansang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mula ika-12 hanggang ika-16 ng buwang ito, bibiyahe sa Maynila si Premyer Li Keqiang ng Tsina, para dumalo sa serye ng mga summit ng ASEAN, at magsagawa ng opisyal na pagdalaw sa Pilipinas.
Isinalaysay kahapon, Lunes, ika-6 ng Oktubre 2017, ni Chen Xiaodong, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Tsina, ang agenda ng naturang biyahe.
Ayon kay Chen, sa panahon ng pagdalaw sa Pilipinas, kakausapin si Premyer Li ni Pangulong Duterte, at katatagpuin siya nina Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez. Aniya, ang pagpapalalim ng relasyong Sino-Pilipino at pagpapasulong ng pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang aspekto, ay tatalakayin, pangunahin na, ng mga lider ng dalawang bansa.
Sinabi ni Chen, na dadalo rin ang mga lider na Tsino at Pilipino sa seremonya ng pagsisimula ng mga proyektong may tulong ng Tsina. Mayroon din aniyang pag-asang lalagdaan ng dalawang bansa ang mga kasunduang pangkooperasyon sa larangan ng imprastruktura, kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, lipunan, kultura, at iba pa.
Kaugnay naman ng pagdalo sa serye ng mga summit ng ASEAN, isinalaysay ni Chen, na ilalahad ni Premyer Li ang mga patakaran ng Tsina sa kooperasyon ng Silangang Asya, at ihaharap ang halos 30 mungkahi hinggil sa pagpapalalim ng mga detalyadong kooperasyon. Ito aniya ay para pataasin ang kalidad ng relasyong Sino-ASEAN, at pasulungin sa bagong antas ang kooperasyon ng Silangang Asya.
Salin: Liu Kai