Mula ika-12 hanggang ika-16 ng Nobyembre, 2017, dadalaw sa Pilipinas at lalahok sa isang serye ng mga pulong pangkooperasyon kasama ang mga lider ng Silangang Asya si Premyer Li Keqiang ng Tsina. Sa bisperas ng nasabing biyahe ni Premyer Li, ipinahayag ng maraming lider ng overseas at ethnic Chinese sa Pilipinas na ito ang kauna-unahang pagdalaw ng premier Tsino sa Pilipinas nitong nakalipas na 10 taon, at mahalagang mahalaga ang katuturan nito para sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Carlos Chan, kilalang lider ng overseas at ethnic Chinese sa Pilipinas at Espesyal na Sugo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mga Suliranin ng Tsina, na ang gaganaping pagdalaw ni Premyer Li ay tiyak na magpapasulong sa mga nakatakdang proyektong pangkooperasyon ng dalawang bansa, at magpapalakas ng pag-uunawaan, pagtitiwalaan at kooperasyon sa iba't ibang larangan ng dalawang bansa sa mas mataas na antas.
Ipinahayag naman ni Tan Ching, Punong Direktor na Pandangal ng Federation of Filipino–Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) na ang pagdalaw ni Li sa Pilipinas ay makakabuti sa pagbibigayan at pagtutulungan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Makakatulong din aniya ito sa pag-unlad ng mga overseas at ethnic Chinese sa Pilipinas.
Ayon naman kay Peter Chua, Tagapangulo ng Federation of Filipino-Chinese Association of the Philippines, na maaaring lubos na gamitin ng mga overseas at ethnic Chinese ang sarili nilang katangi-tanging katayuan at papel, upang maglatag ng tulay ng bilateral na kooperasyon, at magpasulong ng kalakalan, pamumuhunan at kaunlaran ng Tsina at Pilipinas.
Salin: Vera