Beijing, Tsina—Martes, Nobyembre 7, 2017, idinaos sa Beijing ang pandaigdigang simposyum hinggil sa multilateral na kooperasyong panseguridad sa rehiyon ng South China Sea (SCS). Ang tema ng nasabing simposyum ay "Pagpapalakas ng Kooperasyon sa SCS: Bagong Hakbangin sa Pangangalaga sa Kaligtasang Pandagat." Nagpalitan ng kuru-kuro ang mga kalahok na dalubhasa hinggil sa kooperasyon sa karagatang ito.
Ipinahayag ni Zhao Ning, Pangalawang Tagapangulo ng China International Institute for Strategic Society, na sa kasalukuyan, sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng mga bansa sa baybayin ng South China Sea, nananatiling matatag sa kabuuan ang kalagayan ng nasabing karagatan, at walang humpay na lumilitaw ang tunguhin ng positibong pag-unlad. Samantala, nahaharap ang mga bansa sa loob ng rehiyon ng SCS sa mga hamon sa aspekto ng di-tradisyonal na seguridad na gaya ng likas na kapahamakan, organisadong krimeng transnasyonal, alitan sa pangingisda at iba pa.
Umaasa naman si Chin Yoon Chin, Direktor-Heneral ng Maritime Institute of Malaysia (MIMA), na sa pamamagitan ng kasalukuyang simposyum, ibayo pang mapapalakas ang pagtitiwalaan at pagtutulungan ng Tsina at ASEAN. Aniya, magbubunsod ito ng napakalaking impluwensiya para sa rehiyong ito, maging ng komunidad ng daigdig.
Optimistiko at realistiko ang pakikitungo ni Aaron Rabena, Lecturer ng Asian Center ng University of the Philippines (UP), sa kooperasyon ng South China Sea. Aniya, maraming hadlang ang dapat alisin, at kailangan itong pag-ukulan ng pansin at yaman ng iba't ibang panig para hanapin ang komong solusyon sa mga umiiral na problema.
Salin: Vera