Dumating kaninang hapon, Nobyembre 12, 2017 sa Manila si Premyer Li Keqiang ng Tsina para isagawa ang opisyal na pagdalaw sa Pilipinas.
Sa kanyang pananatili sa Manila, dadalo siya sa ika-20 pulong ng mga lider ng Tsina at ASEAN (10+1), ika-20 pulong ng mga lider ng Tsina, Timog Korea, Hapon at ASEAN (10+3), at ika-12 East Asia Summit (EAS).
Sa paliparan, ipinahayag ni Li na nakahanda ang Tsina na pahigpitin, kasama ng mga bansang ASEAN, ang kooperasyon at pagkokoordinahan para magkasamang likhain ang mas magandang kinabukasan.
Kaugnay ng relasyong Sino-Pilipino, sinabi ni Li na sa kasalukuyan, nananatiling malusog at matatag ang bilateral na relasyon ng dalawang bansa. Ito aniya ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Nakahanda aniya siyang talakayin, kasama ng mga lider ng Pilipinas, kung papaano ibayo pang pahihigpitin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa at palalalimin ang mga kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.