Great Hall of the People, Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Huwebes, Nobyembre 9, 2017, kay dumadalaw na US President Donald Trump, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na sa kasalukuyan, matatag na sumusulong ang relasyong Sino-Amerikano. Aniya, ang pagpapanatili ng pagpapalagayan sa mataas na antas at mahigpit na pagkokoordinahan ng dalawang bansa, ay makakapagpasigla sa kanilang kooperasyon at makakapagpasulong pa sa relasyong Sino-Amerikano.
Tinukoy ni Li na bilang pinakamalaking umuunlad na bansa, may malawak na pamilihan at mayamang human resources ang Tsina, at bilang pinakamalaking maunlad na bansa, may high-tech at sulong na karanasan ang Amerika, kaya napakalaki ng potensyal ng kooperasyon ng dalawang panig. Dapat aniyang ibayo pang palawakin ang pagbubukas sa isa't-isa ng Tsina at Amerika upang makalikha ng mainam na kapaligirang pangnegosyo ng mga bahay-kalakal ng dalawang bansa.
Ipinagdiinan din ng premyer Tsino na bilang kapwang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council (UNSC) at mahalagang bansa sa rehiyong Asya-Pasipiko, may responsibilidad ang Tsina at Amerika sa magkasamang pangangalaga sa kapayapaan, katatagan, kaunlaran, at kasaganaan ng rehiyon. Nakahanda aniya ang panig Tsino na palakasin kasama ng panig Amerikano, ang kanilang pagkokoordinahan at pagsasanggunian sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Lubos namang pinapurihan ni Trump ang natamong bunga ng kanyang biyahe sa Tsina. Umaasa aniya ang Amerika na mapapalakas pa ng Amerika at Tsina ang kanilang kooperasyon.
Salin: Li Feng