Philippine International Convention Center — Dumalo Lunes, Nobyembre 13 (local time), 2017, si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-20 Pulong ng mga Lider ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dinaluhan ng mga lider ng sampung (10) bansang ASEAN. Magkasamang nangulo sa pulong si Li at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Premyer Li na ang kasalukuyang taon ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN, at ikinasisiya ng Tsina ang natamong progreso ng ASEAN. Buong tatag aniyang kinakatigan ng panig Tsino ang konstruksyon ng komunidad ng ASEAN, kinakatigan ang namumunong papel ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon, at kinakatigan ang pagpapatingkad ng ASEAN ng mas malaking papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Igigiit ng Tsina ang patakaran ng pakikipagkaibigan sa mga bansang ASEAN upang maitatag ang community of shared future na may komong ideya, kasaganaan, at responsibilidad, aniya pa.
Tungkol sa relasyong Sino-ASEAN sa hinaharap, iniharap ng premyer Tsino ang limang (5) mungkahi: una, dapat magkakasamang pagplanuhan ang prospek ng pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN; ikalawa, dapat pasulungin ang pakikipag-ugnayan ng "Belt and Road" Initiative sa plano ng pag-unlad ng ASEAN; ikatlo, dapat matatag na palakasin ang kooperasyong Sino-ASEAN sa seguridad na pulitikal; ikaapat, dapat ibayo pang palakasin ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang panig; ikalima, dapat walang humpay na pataasin ang lebel ng pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura ng dalawang panig.
Ipinahayag naman ng mga kalahok na lider ng ASEAN na nananatiling malakas at matatag na tunguhin ng pag-unlad ng relasyong ASEAN-Sino. Noong isang taon, natamo anila ang malaking bunga ng kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga aspektong gaya ng kabuhayan at kalakalan, at kultura. Lubos ding pinapurihan ng ASEAN ang pormal na pagpapasimula ng dalawang panig ng kanilang pagsasanggunian sa teksto ng "Code of Conduct (COC) in the South China Sea." Ito anila ay nagpapakita ng positibong tunguhin ng pagiging matatag ng situwasyon sa South China Sea at komong palagay ng dalawang panig sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon.
Salin: Li Feng