|
||||||||
|
||
SECRETARY VILLAR AT DEPUTY DIRECTOR GENERAL ZENG, LUMAGDA SA KASUNDUAN. Makikita sa larawan sina Public Works Secretary Mark A. Villar (pangalawa mula sa kaliwa) at Deputy Director General Zeng Huacheng (pangalawa mula sa kanan) ng Ministry of Commerce matapos lumagda sa kasunduang magpapatupad ng pagtatayo ng dalawang tulay na nagkakahalaga ng halos anim na bilyong piso. (DPWH Photo)
MATAPOS ang mga seremonya sa Malacanang kamakalawa, lumagda si Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Ministry of Commerce Deputy Director General Zeng Huacheng sa pagpapatupad ng proyektong magtatayo ng dalawang tulay sa Pasig River upang ibsan ang trapiko sa Metro Manila.
Ang dalawang tulay ay nagkakahalaga ng halos P 6 bilyon. Magkakaroon ng bagong tulay sa pagitan ng Intramuros at Binondo at sa Estrella Street sa Rockwell patungong Pantaleon sa Mandaluyong City.
Nagpasalamat si Secretary Villar sa pamahalaang Tsino sa pangako nitong tutulong sa Build, Build, Build program ni Pangulong Rodrigo Duterte. Magsisimula ang pagtatayo ng dalawang tulay sa taong 2018 at matatapos ang mga proyekto sa 2021.
Ang tulay sa pagitan ng Intramuros at Binondo ay may habang 807 metro at nagkakahalaga ng higit sa apat at kalahating bilyong piso. Ang tulay na ilalagay sa pagitan ng Makati at Mandaluyong ay nagkakahalaga ng P 1.3 bilyon at magkakaroon ng apat na linya at mas maluwag upang pakinabangan ng mga motorista.
Pamalit ito sa dalawang linyang tulay na ginagamit ngayon.
Ang mga proyektong ito ay pawang donasyon ng Tsina sa Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |