Sa panahon ng Pulong ng Mga Ministrong Panlabas ng Asya at Europa sa Nay Pyi Taw, Myanmar, nagtagpo Lunes, Nobyembre 20, 2017 ang mga Ministrong Panlabas ng Tsina at Singapore na sina Wang Yi at Vivian Balakrishnan.
Ipinahayag ni Wang na sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng kapuwa panig, maganda ang pag-unlad ng relasyong Sino-Singaporean. Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng panig Singaporean, na pabilisin ang konstruksyon ng Belt and Road, magkasamang itatag ang tatlong plataporma ng connectivity, suportang pinansyal, at kooperasyon ng tatlong panig, at pataasin ang lebel ng pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan.
Tinukoy ni Wang na sa susunod na taon, manunungkulan ang Singapore bilang tagapangulong bansa ng ASEAN. Kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapatupad ng panig Singaporean ng tungkulin. Aniya, nakahanda ang Tsina, kasama ng mga bansang ASEAN, na pasulungin ang substansyal na pagsasanggunian ng Code of Conduct in the South China Sea, batay sa paggagalangan at pantay-pantay na pagsasanggunian. Walang humpay na pahihigpitin ang pagtitiwalaan ng iba't ibang bansa, at pangangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, sa pamamagitan ng pagsasanggunian, dagdag pa ni Wang.
Ipinahayag naman ni Balakrishnan na maalwan ang kasalukuyang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at ASEAN. Sa katatapos na serye ng mga pulong ng mga lider ng ASEAN at Tsina sa Pilipinas, pinagtibay ang isang serye ng mga mahahalagang dokumento. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na patingkarin ang papel bilang tagapangulong bansa ng ASEAN sa susunod na taon, para mapasulong ang pagpapatupad ng iba't ibang kooperasyon, at mapaunlad ang relasyon ng dalawang panig.
Salin: Vera