Phnom Penh, Kambodya—Lunes, Nobyembre 20, 2017, ayon sa taunang plano sa pagbibigay-tulong, ipinagkaloob ng pamahalaang Tsino sa panig Kambodyano ang mga kagamitang gaya ng detector, protective equipment, wheelchair, tolda, motorsiklo, komputer at iba pa, para suportahan ang pag-aalis ng minang pampasabog nito.
Sa seremonya ng paglilipat ng kagamitan, sinabi ni Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Kambodya, na palagia't aktibong kinakatigan ng pamahalaang Tsino ang gawain ng pag-aalis ng minang pampasabog ng panig Kambodyano. Ito aniya ay hindi lamang kusang-loob na pakikitungo ng Tsina sa aktibong pagsasabalikat ng pandaigdigang makataong obligasyon, kundi pagpapakita rin ng pagpapahalaga nito sa tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Ayon naman kay Serei Kosal, Unang Pangalawang Tagapangulo ng Cambodian Mine Action Authority (CMAA), na nailigtas ang buhay ng libu-libong mamamayan dahil sa pagtulong ng panig Tsino sa pag-aalis ng minang pampasabog ng Kambodya. Binabalak aniya ng Kambodya na tapusin ang gawaing ito sa loob ng bansa sa taong 2025.
Salin: Vera