Kunming, Lalawigang Yunnan ng Tsina—Nobyembre 17, 2017, idinaoas dito ang seremonya ng pagpipinid ng ASEAN-China Tourism Cooperation Year 2017.
Sa kanyang talumpati sa seremonya, ipinahayag ni Wei Hongtao, Pangalawang Direktor ng Pambansang Kawanihan ng Turismo ng Tsina, na nitong nakalipas na isang taon, isang serye ng mga aktibidad ng pagpapalitang panturismo ang sunud-sunod na itinaguyod ng Tsina at ASEAN, at ang aktuwal na bunga ng kooperasyong panturismo ay nakapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng kapuwa panig. Sa hinaharap, nakahanda aniya ang panig Tsino na ibayo pang pahigpitin ang pakikipag-ugnayang kultural sa iba't ibang bansang ASEAN, at sa pamamagitan ng kabuhayang panturismo, patibayin ang mithiin ng mga mamamayan at pundasyong panlipunan ng pag-unlad ng relasyon ng magkabilang panig, at bigyan ng bagong ambag ang konstruksyon ng estratehikong partnership ng kapuwa panig.
Sinabi naman ni Pongpanu Svetarundra, Pangalawang Ministro ng Turismo at Palakasan ng Thailand, na sapul nang simulan ang ASEAN-China Tourism Cooperation Year, walang humpay na lumalalim ang kooperasyong panturismo ng kapuwa panig. Noong 2016, tinanggap ng iba't ibang bansang ASEAN ang 19.8 milyong person-time na turistang Tsino, at tinanggap naman ng Tsina ang mahigit 10 milyong person-time na turista ng ASEAN. Nananatiling makatwiran ang paglaki ng pagpapalitan ng tauhan ng Tsina at ASEAN, at may nakatagong lakas din ng walang humpay na paglaki, dagdag pa niya.
Salin: Vera