Manila, Pilipinas — Idinaos Martes, Nobyembre 14, 2017 ang Ika-20 Pulong ng mga Lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3). Lubos na pinapurihan ng mga kalahok na lider ang natamong bunga ng 10+3 cooperation nitong 20 taong nakalipas. Ipinalalagay din nila na sa hinaharap, dapat patuloy na panatilihin ang mapayapang pakikipamuhayan at magkakasamang pasulungin ang pag-unlad.
Nangulo sa pulong si Rodrigo Duterte, Pangulo ng Pilipinas, kasalukuyang bansang tagapangulo ng ASEAN. Dumalo rito sina Premyer Li Keqiang ng Tsina, Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon, at Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea. Nagpalitan sila ng kuru-kuro tungkol sa relasyon ng kalakalan at pamumuhunan, kapaligiran at sustenableng pag-unlad, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na pinapansin ng kanilang mga mamamayan.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Pangulong Duterte na nitong 20 taong nakalipas, matatag na sumusulong ang 10+3 cooperation. Aniya, dahil may komong hangarin ang iba't-ibang bansa sa pag-unlad, natamo ng kooperasyon ang napakalaking tagumpay. Sa hinaharap, dapat patuloy at mapayapang makipamuhayan ang ASEAN at Tsina, Hapon, at Timog Korea upang magkakasamang mapasulong ang pag-unlad.
Salin: Li Feng