SINABI ni dating Defense Secretary at AFP Chief of Staff General Renato S. De Villa na magpaparamdam ang mga guerilya ng New People's Army matapos kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-usap sa mga komunista.
Ayon kay General de Villa, magpaparamdam ang mga NPA at sasalakay sa mga kinikilalang "soft target" upang ipakita ang kanilang bilang, ang kanilang kakayahan at determinasyong lumaban sa pamahalaan.
Subalit sa oras na mautusan ang mga kawal na habulin ang mga armado, lalayo at iiwas ang mga guerilya ng New People's Army upang huwag mapinsala at mawala sa kanayunan.
Lumalakas ang mga NPA sa pagkakaroon ng ceasefire na ipinatutupad ang pamahalaan. Ito ang pagkakataong magkaroon ng mga sandata at makapagsanay sa mga operasyong ilulunsad ng pamahalaan.
Ito na ang karanasan ng lipunan noon pa mang ilunsad ang unang peace talks noong dekada otsenta, dagdag pa ni General de Villa.