Nakipagtagpo kahapon ng hapon, Biyernes, ika-24 ng Nobyembre 2017, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Min Aung Hlaing, Komander ng Sandatahang Lakas ng Myanmar.
Positibo si Xi sa matagal na pagkakaibigan ng Tsina at Myanmar. Lubos aniyang sinusubaybayan ng Tsina ang prosesong pangkapayapaan ng Myanmar, at patuloy na patitingkarin ang konstruktibong papel para rito. Ipinahayag din ni Xi ang pag-asang, palalakasin ng mga tropa ng Tsina at Myanmar ang pagpapalitan at pagtutulungan, para pasulungin ang kaunlaran ng relasyon ng dalawang bansa, at kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito.
Ipinahayag naman ni Min Aung Hlaing ang pasasalamat sa Tsina sa pagbibigay-tulong sa pag-unlad ng estado at tropa ng Myanmar, at pagkatig sa prosesong pangkapayapaan ng bansa. Nakahanda aniya ang Myanmar, na aktibong lumahok sa Belt and Road Initiative, at palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina sa iba't ibang larangan.
Salin: Liu Kai