Nagtagpo ngayong araw, Miyerkules, ika-29 ng Nobyembre 2017, sa Jakarta, Indonesya, sina Pangalawang Premyer Liu Yandong ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesya.
Positibo si Liu sa madalas na pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Indonesya, kung saan narating ang mga mahalagang komong palagay hinggil sa pagpapaunlad ng bilateral na relasyon at pagpapalakas ng pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa. Sinabi rin niyang, mabunga ang isinagawang Ika-3 Pulong ng Mekanismo ng Pagpapalitang Pangkultura ng Tsina at Indonesya. Ito aniya ay makakatulong sa pagtaas sa bagong antas ng komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Joko Widodo ang kasiyahan sa tagumpay ng naturang pulong. Sinabi rin niyang aktibong kumakatig ang Indonesya sa Belt and Road Initiative, at nakahanda ito, kasama ng Tsina, na pasulungin ang mga kooperasyon sa ilalim ng inisyatibang ito.
Salin: Liu Kai