|
||||||||
|
||
PAGSASAMA-SAMA NG IBA'T IBANG SEKTOR, MAHALAGA. Ayon kay Atty. Sikini Labastilla, executive director ng Caloocan City Anti-Drug Abuse Council, may anim na slang community-based rehab hubs na dumadalo sa mga drug dependent.
SIMBAHAN, PAMAHALAAN AT BARANGAY NAGTUTULUNGAN. Sinabi ni Barangay Captain Erick Bunag ng Camarin, Caloocan City na sa pagtutulungan ng Simbahan at pamahalaan at mga taga-barangay, makababalik sa normal na buhay ang mga nasangkot sa illegal na droga.
NANINIWALA sina Atty. Sikini Labastilla, executive director ng Caloocan City Anti-Drug Abuse Council at Camarin Barangay Chairman Erick Bunag na malaki ang magagawa ng pagsasama-sama ng mga mamamayan, pamahalaang-lokal at maging Simbahan upang maibalik ang mga drug dependent sa kanilang normal na buhay.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi ni Atty. Labastilla na mayroong mga psychiatrist, psychologist at iba pang mga naglilingkod sa anim na rehabilitation hubs ng kanilang lungsod. Mayroong programang ipinatutupad upang maayos ang takbo ng pamumuhay ng mga dating gumagamit ng droga. Sinasabayan ito ng regular na pagdalaw ng mga social worker sa mga tahanan ng mga drug user upang maihanda rin ang pamilya sa pagbabalik sa maayos na pamumuhay.
Karamihan sa kanilang mga tinutulungan ay mga mahihirap na naging kasapakat ng mga sindikato sa droga. Ipinaliwanag pa ni Atty. Labastilla na ang Caloocan City ay daanan ng mga taong may kinalaman sa droga patungong Bulacan, Maynila at Valenzuela.
Sa pagpapatupad ng kanilang community-based rehabilitation program ay nakatatanggap na sina Barangay Chairman Bunag at ilang mga tauhan ng rehabilitation centers ng text messages na naglalaman ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.
Ayon kay Atty. Labastilla, tinamaan ang mga sindikato ng droga kaya't galit na galit sa kanila.
Para kay Barangay Chairman Bunag, malaking tulong din ang ipinagkakaloob ng Argentinian parish priest na si Fr. Luciano Ariel Felloni at ng Diocese of Novaliches.
Idinagdag din ni Atty. Labastilla na kahit si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ay malaki ang naiambag sa kanilang community-based rehabilitation program.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |