|
||||||||
|
||
HINDI muna itutuloy ang pagbhabakuna laban sa Dengue sa mga kabataan mula sa Central Luzon, CALABARZON at National Capital Region. Ito ang desisyon ng Department of Health sa ilalim na Secretary Francisco Duque III.
Ito ang tugon ng Department of Health matapos maglabas ng abiso ang gumagawa ng bakuna, ang Sanofi-Pasteur na may kakaibang reaksyon ang mga nabakunahang hindi pa nagkakaroon ng dengue virus.
Maganda at mabisa ang bakuna sa mga pasyenteng nagkaroon na ng dengue virus subalit iba ang reaksyon sa mga hindi pa nagtatamo ng virus at lumalabas na higit na magiging matindi ang tama ng dengue sa mga nabakunahan ng wala pang virus.
Ayon sa pahayag ng Sanofi-Pasteur, sa kanilang nakamtang reaksyon ng mga pasyente, minabuti nilang ipaalam sa kanilang mga kasama sa paggamit ng bakuna ang kanilang findings.
Sinabi naman ni Dr. Su-Pieng Ng, global medical head ng Sanofi-Pasteur na nakipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng iba't ibang kagawaran ng kalusugan upang maiparating ang pinakahuling detalyes sa kanilang pagsusuri.
Sa Pilipinas, inilunsad ng Department of Health ang pagbabakuna laban sa dengue noong 2016. Bagama't layunin nilang mabakunahan ang isang milyong kabataan, target na lamang nila ang 700,000,
Ang immunization program, ayon sa Department of Health ay batay sa rekomendasyon ng World Health Organization sa mga bansang madalas katagpuan ng dengue.
Noong nakalipas na Miyerkoles, ika-29 ng Nobyembre may matanggap ng Department of Health na preliminary briefing hinggil sa pinakahuling balita sa Dengvaxia.
Sa nabatid na pangyayari ng Department of Health, nagdesisyon si Health Secretary Dugue na huwag na munang ituloy ang pagbabakuna hanggang wala pang nagaganap na pag-uusap sa pagitan ng WHO at Sanofi at maging pamahalaan ng Pilipinas.
Nanindigan ang Department of Health na itutuloy at paiigtingin ang surveillance at monitoring upang masuri ang programa at matiyak ang kaligtasan.
Umaabot sa 200,000 mga kaso ng dengue ang nababalita sa Pilipinas at mahalaga ang pagbabakuna upang maiwasan ang pagkalat nito.
Wala pa namang nababalitang mas matinding tama ng dengue sa mga nabakunahan.
Nangako si Secretary Duque na titiyakin nila ang kaligtasan ng mga bakunang gagamitin sa bansa.
Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia na sumang-ayon sa paggamit ng Dengvaxia na sinasabing kauna-unahang bakuna laban sa dengue sa buong daigdig. Nakarating sa bansa ang bakuna noong Enero ng 2016.
Abril ng nakalipas na taon ng simulan ang vaccination program. Ang bawat bata ay kailangang mabakunahan ng tatlong beses sa loob ng 18 buwan,
Gumastos umano ang pamahalaan ng may P 2.9 bilyon para sa bakuna na nagkakahalaga ng P 1,000 sa bawat iniksyon.
Sakop ng suspensyon ang lahat ng mga manggagamot at pagamutan ng pamahalaan. Bahala na ang mga pribadong doktor at mga pasyente kung itutuloy pa nila ang pagbabakuna.
Pagbabalik-aralan pa ng Department of Health ang kontrata ng pamahalaan at Sanofi at aalamin kung sino ang maaaring papanagutin sa naganap. Magpupulong ang DoH, Sanofi at WHO sa ika-12 o ika-13 ng Disyembre.
Ang kasunduan sa pagitan ng kumpanya at ng pamahalaan ay siniyasat ng dalawang kapulungan ng Kongreso. Ayon sa tala ng Kongreso, umabot sa P 3.5 bilyon ang nagastos sa bakuna.
Wala pang lumalabas ng pag-uulat ang dalawang kapulungan hinggil sa kontrobersya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |