HANDANG humarap sa anumang imbestigasyon si dating Health Secretary Janette Garin.
Sa isang text message sa CBCPNews, sinabi ni Dr. Garin na ang pagbabakuna laban sa dengue ay nagsimula bago pa man siya nanungkulan sa Department of Health. Ipinatupad ang palatuntunan ayon sa rekomendasyon ng World Health Organization. Kahit pa man bago lumabas ang SAGE o Strategic Advisory Group of Experts, may mga nagaganap ng pagpupulong at konsultasyon sa pagitan ng mga dalubhasa, World Health Organization at technical officials ng Department of Health. Nakipagtulungan umano ang kanyang tanggapan sa World Health Organization bago pa man ipinatupad ang programa. Mabisa umano ang pagbabakuna sa siyam sa bawat sampung Filipino.
Idinagdag pa ni dating Secretary of Health na ipinagpapasalamat niya ang pagsisiyasat ng Senado at Department of Justice at sasagutin niyang lahat ang mga akusasyon sa tamang panahon at sa tamang pook. Maghihintay din siya ng paglilinaw ng Department of Health at WHO na mga dalubhasa sa bagay na ito. Kung mayroong maggigiit ng kanyang pananagutan, handa siyang harapin at panagutan ito.
Dinadaluhan umano niya ang kanyang amang nasa bingit ng alanganin sa kanilang pook sa Kabisayaan kaya't hindi muna makahaharap sa mga mamamahayag, dagdag pa ng dating health secretary.