Sinabi kahapon, Huwebes, ika-7 ng Disyembre 2017, sa Nanning, punong lunsod ng Guangxi Zhuang Autonomous Region, Tsina, ni Consul General Bong Yik Jui ng Malaysia sa Nanning, na mahalaga ang Guangxi para sa kooperasyon ng Malaysia at Tsina.
Winika ito ni Bong sa diyalogo hinggil sa pagpapalitang pangkultura ng Tsina at Malaysia sa ilalim ng Belt and Road, na idinaos nang araw ring iyon sa nasabing lunsod.
Sinabi niyang ang lunsod ng Qinzhou ng Guangxi ay lugar kung saan matatagpuan ang joint industrial park ng Tsina at Malaysia, at ang mga kompanya ng Guangxi ay mayroon ding malaking puhunan sa joint industrial park ng dalawang bansa sa Kuantan, Malaysia. Samantala aniya, maraming port city ng kapwa Malaysia at Guangxi ang kalahok sa China-ASEAN Port Cities Cooperation Network, at sa ilalim ng network na ito, walang tigil na lumalakas ang kooperasyon ng dalawang panig.
Ipinahayag din ni Bong ang pag-asang, patuloy na gaganap ng positibong papel ang Guangxi, para sa pagpapanatili ng mabilis na pag-unlad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Malaysia at Tsina.
Salin: Liu Kai