Idinaos kahapon, Biyernes, ika-8 ng Disyembre 2017, ng United Nations Security Council (UNSC), ang espesyal na pulong, kung saan tinalakay ang hinggil sa pagpapatalastas ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ng pagkilala sa Jerusalem, bilang kabisera ng Israel.
Liban sa Amerika, ipinahayag ng ibang 4 na pirmihang kasaping bansa at 10 di-pirmihang kasaping bansa ng UNSC ang kawalang-kasiyahan o kalungkutan sa naturang aksyon ng Amerika. Ipinahayag din nila ang pagkabalisa sa posibleng paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa kanya namang ulat sa pulong, sinabi ni Nikolay Mladenov, Espesyal na Tagapagkoordina ng UN para sa prosesyong pangkapayapaan ng Gitnang Silangan, na ang anumang unilateral na aksyong nagtatangkang baguhin ang katangian at posisyon ng Jerusalem ay may posibilidad na grabeng sumabotahe sa kasalukuyang pagsisikap para sa kapayapaan. Ipinalalagay din niyang may potensyal na panganib sa paglala ng karahasan sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Salin: Liu Kai