Idinaos kahapon, Biyernes, ika-15 ng Disyembre 2017, sa New York, ng United Nations (UN) Security Council, ang bukas na pulong, kung saan tinalakay ang isyung nuklear at kasalukuyang kalagayan sa Korean Peninsula.
Ipinahayag ni Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng UN, ang kanyang pagkabalisa sa posibleng pagkaganap ng sagupaang militar sa Korean Peninsula. Sinabi niyang dapat panumbalikin ng iba't ibang panig ang pag-uugnayan, para maiwasan ang panganib na ito.
Sinabi naman ni Rex Tillerson, Kalihim ng Estado ng Amerika, na bukas ang kanyang bansa sa pakikipagdiyalogo sa Hilagang Korea, pero dapat isagawa ng H.Korea ang mga aksyong magpapakita ng kahandaan nitong itakwil ang pagdedebelop ng sandatang nuklear.
Sinabi naman ni Ja Song-nam, Pirmihang Kinatawan ng H.Korea sa UN, na ang pagdedebelop ng kanyang bansa ng sandatang nuklear ay bilang tugon sa bantang nuklear mula sa Amerika. Dagdag niya, nitong mga taong nakalipas, isinasagawa ng Amerika at Timog Korea ang maraming pagsasanay na militar, at bawat ito ay nagbabanta sa kapayapaan ng Korean Peninsula.
Salin: Liu Kai