Ipinahayag ngayong araw, Lunes, ika-4 ng Disyembre 2017, sa Beijing, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa isyu ng Korean Peninsula, dapat sundin ng iba't ibang panig ang mga may kinalamang resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC), at hindi dapat isagawa ang anumang aksyong salungat sa regulasyon o diwa ng naturang mga resolusyon.
Winika ito ni Wang sa magkasanib na preskon, pagkaraan ng pag-uusap nila ng kanyang counterpart na Mongolian.
Kamakailan, muling isinagawa ng Hilagang Korea ang subok-lunsad ng missile, at isinasaalang-alang naman ng Amerika at ibang bansa ang pagdaragdag ng sangsyon laban sa H.Korea.
Kaugnay nito, muling ipinahayag ni Wang ang buong tatag ng pagtutol ng Tsina sa pagpapawalang-bahala ng H.Korea ng mga resolusyon ng UNSC, at pagpapasulong sa pagdedebelop ng sandatang nuklear. Samantala aniya, umaasa rin ang Tsina, na igigiit ng mga iba pang panig ang paglutas sa isyung ito sa pamamagitan ng talastasan, batay sa kahilingan ng UNSC, at iiwasan ang mga aksyong posibleng magpalala ng kasalukuyang tensyon.
Salin: Liu Kai