Napili Huwebes, Disyembre 28, 2017 ng China Radio International ang sampung pinakaimpluwensyal na balitang naganap sa Timog-silangang Asya.
Ayon sa ayos na kronolohikal, ang panlimang balita ay may kinalaman sa natamong progreso ng talastasan hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, at Tsina at ibang mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Noong Mayo 19, 2017, sa Guiyang, Tsina, idinaos ng Tsina at Pilipinas ang unang pulong ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM) hinggil sa isyu ng South China Sea. Magkasamang nangulo sa pulong sina Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina. Inilabas ng dalawang bansa ang Magkasamang Pahayag. Ayon sa pahayag, sinang-ayunan ng kapwa panig na patuloy na talakayin ang hinggil sa mga hakbangin, para palakasin ang tiwala at pananalig sa isa't isa, mapasulong ang mga pragmatikong kooperasyong pandagat sa susunod na yugto, at hanapin ang posibilidad ng pagtatatag ng mga may kinalamang technical working group. Ipinangako rin nila ang pagtitimpi sa mga aksyon sa South China Sea, para hindi maging masalimuot at masidhi ang mga hidwaan, at para iwasan ang mga negatibong epekto sa kapayapaan at katatagan.
Noong Agosto 6, 2017, sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN, narating ang balangkas hinggil sa COC. Noong Nobyembre 13, sa Ika-20 Summit ng Tsina at ASEAN, sinimulan ng mga kalahok ang pagsasanggunian hinggil sa teksto ng COC.
Salin: Jade
Pulido: Rhio