Sinabi kahapon, Biyernes, ika-5 ng Enero 2018, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa mula't mula pa'y komprehensibo at buong higpit na ipinapatupad ng pamahalaang Tsino ang mga resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC). Hinding hindi aniyang pinahihintulutan ng Tsina ang paggawa ng mga mamamayan at kompanya nito ng mga aksyong labag sa mga resolusyon ng UNSC.
Winika ito ni Geng, bilang tugon sa ulat ng media ng Timog Korea na nagsasabing, sa pamamagitan ng pagbabago ng flag state o lugar ng pagpapatala, ginawa ng mga bapor pangalakal ng Tsina ang mga aksyong labag sa resolusyon ng UNSC hinggil sa pagpapataw ng sangsyon laban sa Hilagang Korea.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng, na bukas ang industriya ng pandaigdig na nabigasyon, at normal ang pagbabago ng mga bapor ng flag state o lugar ng pagpapatala. Hindi alam aniya ng panig Tsino ang lahat ng mga detalye sa aspektong ito. Dagdag ni Geng, kung lalabag ang mga mamamayan o kompanyang Tsino sa mga resolusyon ng UNSC, mahigpit na paparusahan sila ng pamahalaang Tsino.
Salin: Liu Kai