Phnom Penh, Kambodya-Nag-usap Enero 11, 2018 sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Haring Norodom Sihamoni ng Kambodya.
Sa pag-uusap, ipinaabot muna ni Premyer Li ang pagbati ni Pangulong Xi Jinping sa Haring Kambodyano.
Ipinahayag ni Li na bilang tradisyonal na mapagkaibigang magkatuwang, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Kambodya para ibayo pang pasulungin ang kanilang pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, batay sa 60 taong relasyong diplomatiko na naitatag ng dalawang bansa. Binigyang-diin ni Li na positibo ang Tsina sa pagsisikap ng Kambodya sa pagpapasulong ng pambansang kabuhayan, pagpapabuti sa pamumuhay ng mga mamamayan, at pangangalaga sa katatagan ng bansa. Ipagpapatuloy aniya ng Tsina ang pagbibigay-tulong sa bansa. Nananalig aniya siyang makikinabang ang mga mamamayang Tsino at Kambodyano mula sa walang tigil na pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Haring Norodom Sihamoni ang pasasalamat sa tulong na ibinibigay ng Tsina sa kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan ng Kambodya. Nananalig aniya siyang ibayong mapapalakas ng kasalukuyang pagdalaw ng lider Tsino ang tradisyonal na pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan, para pasulungin pa ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.