|
||||||||
|
||
Beijing,Tsina—Ipininid Sabado, Enero 13, 2018 ang dalawang araw na Ika-2 Sesyong Plenaryo ng Ika-19 na Central Commission for Discipline Inspection (CCDI), organo laban sa katiwalian ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Ayon sa pinakahuling datos na ipinalabas ng nasabing sesyon, noong taong 2017, 527,000 miyembro ng CPC ang pinarusahan sa pambansang kampanya laban sa korupsyon. Limampu't walo sa mga ito ang may titulong ministerial o pataas.
Kaugnay nito, sinabi ni Dimitri Vlassis, Puno ng Sangay ng Korupsyon at Krimeng Ekonomiko, United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), na ipinakita ng nasabing datos ang pagsisikap ng Tsina sa pakikibaka laban sa katiwalian.
Noong Nobyembre, 2017, ipinalabas ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations ang Magkasanib na Pahayag hinggil sa Komprehensibong Pagpapalakas ng Mabibisang Pagtutulungan Laban sa Korupsyon. Batay sa nasabing pahayag, pahihigpitin ng Tsina at ASEAN ang pagtutulungan sa pagpapabalik sa mga tumakas na tiwaling opisyales. Sinabi ni Lucio Pitlo, dalubhasa sa mga isyung Tsino ng Ateneo de Manila University na ang nasabing pakikipagtululngan ng Tsina sa ASEAN ay nagpapakita ng determinasyon ng bansa na pagtagumpayan ang anumang kahirapan para labanan ang korupsyon.
Ang United Nations Convention against Corruption (UNCAC) ay ang siyang tanging legally binding pandaigdig na dokumento laban sa katiwalian. Noong Nobyembre, 2017, sa Ika-7 Pulong ng mga Bansang Signatoryo ng UNCAC, inilakip sa resolusyon ng pulong ang mungkahi ng Tsina hinggil sa pandaigdig na pagtutulungan laban sa korupsyon. Hinggil dito, sinabi ni Bente Angell-Hansen, Permanenteng Kinatawan ng Norway sa UN sa Vienna, na ang pangunguang papel ng Tsina laban sa korupsyon ay may mahalagang katuturan para sa komunidad ng daigdig.
Sa isang pulong noong katapusan ng taong 2017, ipinangako ni Zhao Leji, puno ng CCDI na patuloy na itatatag ng CPC ang malinis na partido at walang-tigil na lalabanan ang korupsyon. Kaugnay nito, sinabi naman ni Rod Kapunan, Kolumnista ng Manila Standard na karapat-dapat na pag-aralan ang usapin ng Tsina laban sa korupsyon dahil ang katiwalian ay isyung kinakaharap ng sangkatauhan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |