Malacca, Malaysia-Binuksan nitong nagdaang Biyernes, Enero 12, 2018, ng Bank of China ang sangay nito sa Malacca, Malaysia. Ito ang ika-8 sangay ng Bank of China sa nasabing bansa. Ito rin ang unang sangay ng isang bangko ng Tsina sa nasabing makasaysayang siyudad.
Sa kanyang talumpati, pinapurihan ni Idris Haron, Punong Ministro ng Malacca ang papel ng Bank of China sa pagpapasulong ng pag-unlad ng kabuhayan at pamumuhunan sa Malaysia. Ipinahayag din niya ang mataas na papuri sa nasabing bangkong Tsino sa pagpapatupad sa mga proyektong pangkooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative. Naniniwala rin si Idris na dahil sa magaling na record nito, ang Bank of China Malacca branch ay magsisilbing "katalista" sa pagpapalago ng bilateral na kaunlarang pangkabuhayan ng Tsina at Malaysia.
Sinabi naman ni Bai Tian, Embahador ng Tsina sa Malaysia na ang integrasyong pinansyal ay mahalagang bahagi ng Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina noong 2013 para sa komong kasaganaan. Magsisilbi ito aniya bilang pampaginhawa o lubricant at pampabilis o accelerator para sa cross-border na kooperasyon.
Sinabi naman ni Wang Hongwei, Chief Executive Officer (CEO) ng Bank of China Malaysia na matagal nang inaasahan ang pagbubukas ng sangay ng kanyang bangko sa Malacca. Sa magkasamang pagpapasulong ng Tsina at Malaysia ng Belt and Road Initiative, aanihin ng Malacca ang mas maraming proyektong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Sina Idris Haron (ika-2 sa kaliwa), Punong Ministro ng Malacca; Bai Tian, Embahador ng Tsina sa Malaysia (ika-2 sa kanan); at Wang Hongwei, CEO ng Bank of China Malaysia (dulong kaliwa) habang nagpuputol ng laso, sa seremonya ng pagbubukas ng sangay ng Bank of China sa Malacca, noong Enero 12, 2018. (Xinhua/Zhu Wei)
Salin: Jade
Pulido: Rhio