Nang kapanayamin ng mamamahayag ng China Radio International nitong Lunes, Enero 15, 2018, ipinahayag ni Huang Xilian, hahaliling Embahador ng Tsina sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na napakalaki ng responsibilidad niya, at ikinararangal niya ang misyong ito. Aniya, pumasok na sa bagong panahon ng pag-unlad ang Tsina at ASEAN, umaasa siyang sa loob ng kanyang termino, mas taas ang antas ng relasyong Sino-ASEAN, at itatatag ang mas mahigpit na China-ASEAN Community of Shared Future.
Si Huang Xilian, hahaliling Embahador ng Tsina sa ASEAN
Kaugnay ng kanyang gawain pagkatapos ng panunungkulan, binanggit ni Huang ang mga priyoridad sa tatlong aspekto. Una, ang kasalukuyang taon ay ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN. Umaasa aniya siyang sasamantalahin ang pagkakataong ito para lagumin ang mga matagumpay na karanasan nitong nakalipas na 15 taon, at ibayo pang mapasulong ang relasyong Sino-ASEAN sa bagong antas. Ika-2, pasusulungin ang pagtatakda ng China-ASEAN Strategic Partnership Vision 2030. Ipapakita ng nasabing adhikain sa hinaharap ang komong hangarin ng mga mamamayang Tsino at ASEAN, at papatnubayan ang mga mamamayan ng 11 bansa na susulong tungo sa isang komong adhikain. Ika-3, tiniyak na ng mga lider ng Tsina at ASEAN na ang taong 2018 ay taon ng inobasyon ng kapuwa panig. Isinasagawa ng Tsina ang estratehiya ng pagpapasulong ng inobasyon sa kaunlaran, at may ganitong estratehiya rin ang iba't ibang bansang ASEAN. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang serye ng mga aktibidad ng taon ng inobasyon ng Tsina at ASEAN, isasakatuparan ang komong kaunlaran.
Salin: Vera