|
||||||||
|
||
Nay Pyi Taw, Myanmar-Idinaos Miyerkules, Enero 17, 2018 ng Tsina at Myanmar ang Mga Ikatlong Round ng Konsultasyong Pamdiplomasya at Pandepensa. Nangako ang dalawang panig na ibayo pang pasulungin ang ugnayan ng dalawang bansa at panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa hanggahan ng dalawang bansa.
Inulit ng panig Tsino ang paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Myanmar, at suporta sa prosesong pangkapayapaan ng bansa.
Ipinahayag naman ng panig ng Myanmar ang pasasalamat sa ibinibigay na tulong ng Tsina sa prosesong nabanggit. Nangako rin itong buong-higpit na makipag-ugnayan sa Tsina para mapanatili ang kapayapaan sa hanggahan ng dalawang bansa. Sa gayon, matitiyak ang maalwan at maayos na pagpapatupad sa mga bilateral na proyektong pangkooperasyon. Inaasahan ng Myanmar ang pagtatatag ng Myanmar-China Economic Corridor para mapalago ang pag-unlad ng lugar-hanggahan.
Ang mga katatapos na konsultasyon ay magkasamang pinanguluhan nina Kong Xuanyou, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina; Shao Yuanming, Pangalawang Chief of the Joint Staff Department ng Central Military Commission ng Tsina; Kyaw Tin, Ministro ng Kooperasyong Pandaigdig ng Myanmar; at Tun Tun Naung, Commander-in-Chief ng No.1 Bureau of Special Operations ng Hukbo ng Myanmar.
Kinatagpo rin sila nina Aung San Suu Kyi, Tagapayong Pang-estado ng Myanmar at Min Aung Hlaing, Commander-in-Chief ng Defense Services ng Myanmar.
Idinaos ang Ikatlong Mga Konsultasyon sa Mataas na Antas ng Ministring Panlabas at Ministring Pandepensa ng Tsina at Myanmar sa Nay Pyi Taw, Myanmar, Enero 17, 2018. (Xinhua/U Aung)
Ang delegasyong Tsino habang kinakatagpo ni Aung San Suu Kyi (gitna), Tagapayong Pang-estado ng Myanmar, sa Nay Pyi Taw, Enero 17, 2018. (Xinhua/U Aung)
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |